I. ISANG PAGCACAPISAN.

Nag-anyaya ng̃ pagpapacain nang isáng hapunan, ng̃ magtátapos ang Octubre, si Guinoong Santiago de los Santos, na lalong nakikilala ng̃ bayan sa pamagát na Capitang Tiago, anyayang bagá man niyón lamang hapong iyón canyang inihayág, laban sa dati niyang caugalìan, gayón ma’y siyang dahil na ng̃ lahát ng̃ mg̃a usap-usapan sa Binundóc, sa iba’t ibang mg̃a nayon at hanggang sa loob ng̃ Maynílà. Ng̃ panahóng yao’y lumalagay si Capitang Tiagong isáng lalaking siyang lalong maguilas, at talastas ng̃ ang canyang bahay at ang canyang kinamulatang bayan ay hindî nagsásara ng̃ pintô canino man, liban na lamang sa mg̃a calacal ó sa anó mang isip na bago ó pang̃ahás.

Cawang̃is ng̃ kisláp ng̃ lintíc ang cadalîan ng̃ pagcalaganap ng̃ balítà sa daigdigan ng̃ mg̃a dápò, mg̃a lang̃aw ó mg̃a “colado”1, na kinapal ng̃ Dios sa canyang waláng hanggang cabaitan, at canyang pinararami ng̃ boong pag-irog sa Maynílà. Nang̃agsihanap ang ibá nang “betún” sa caniláng zapatos, mg̃a botón at corbata naman ang ibá, ng̃uni’t siláng lahát ay nang̃ag iisip cung paano cayâ ang mabuting paraang bating lalong waláng cakimìang gagawin sa may bahay, upang papaniwalàin ang macacakitang sila’y malalaon ng̃ caibigan, ó cung magcatao’y huming̃í pang tawad na hindî nacadalóng maaga.

Guinawâ ang anyaya sa paghapong itó sa isáng bahay sa daang Anloague, at yamang hindî namin natatandâan ang canyang bilang (número), aming sásaysayin ang canyang anyô upang makilala ng̃ayón, sacali’t hindî pa iguiniguibá ng̃ mg̃a lindól. Hindî camí naniniwalang ipinaguibâ ang bahay na iyon ng̃ may-arì, sa pagca’t sa ganitong gawa’y ang namamahala’y ang Dios ó ang Naturaleza2, na tumanggap din sa ating Gobierno ng̃ pakikipagcayarì upang gawín ang maraming bagay.—Ang bahay na iyo’y may calakhan din, tulad sa maraming nakikita sa mg̃a lupaíng itó; natatayô sa pampang ng̃ ilog na sang̃á ng̃ ilog Pasig, na cung tawaguin ng̃ iba’y “ría” (ilat) ng̃ Binundóc, at gumáganap, na gaya rin ng̃ lahát ng̃ ilog sa Maynílà, ng̃ maraming capacan-ang pagcapaliguan, agusán ng̃ dumí, labahan, pinang̃ing̃isdâan, daanan ng̃ bangcang nagdádala ng̃ sarisaring bagay, at cung magcabihirà pa’y cucunán ng̃ tubig na inumín, cung minamagalíng ng̃ tagaiguib na insíc3. Dapat halataíng sa lubháng kinakailang̃ang gamit na itó ng̃ nayong ang dami ng̃ calacal at táong nagpaparoo’t parito’y nacatutulig, sa layong halos may sanglibong metro’y bahagyâ na lamang nagcaroon ng̃ isang tuláy na cahoy, na sa anim na bowa’y sirâ ang cabiláng panig at ang cabilâ nama’y hindî maraanan sa nálalabi ng̃ taon, na ano pa’t ang mg̃a cabayo, cung panahóng tag-init, canilang sinasamantala ang gayong hindî nagbabagong anyô, upang mulà roo’y lumucsó sa tubig, na ikinagugulat ng̃ nalilibang na táong may camatayang sa loob ng̃ coche ay nacacatulog ó nagdidilidili ng̃ mg̃a paglagô ng̃ panahón.

May cababâan ang bahay na sinasabi namin, at hindî totoong magaling ang pagcacàanyô; cung hindî napagmasdang mabuti ng̃ “arquitectong”4 namatnugot sa paggawâ ó ang bagay na ito’y cagagawán ng̃ mg̃a lindól at mg̃a bagyó, sino ma’y walang macapagsasabi ng̃ tucoy. Isáng malapad na hagdanang ma’y cacapitáng culay verde, at nalalatagan ng̃ alfombra sa mumunting panig ang siyang daanan mulâ sa silong ó macapasoc ng̃ pintuang nalalatagan ng̃ “azulejos”5 hanggang sa cabahayán, na ang linalacara’y napapag-itanan ng̃ mg̃a maceta6 at álagaan ng̃ mg̃a bulaclac na nacalagay sa “pedestal”7 na lozang gawâ sa China, na may sarisaring culay at may mg̃a dibujong hindî mapaglirip.

Yamang walang bantay-pintô ó alilang huming̃î ó magtanong ng̃ “billete” ó sulat na anyaya, tayo’y pumanhic, ¡oh icaw na bumabasa sa akin, catoto ó caaway! sacali’t naaakit icaw ng̃ tugtog ng̃ orquesta, ng̃ ilaw ó ng̃ macahulugáng “clin-clan” ng̃ mg̃a pingga’t cubiertos8 at ibig mong mapanood cung paano ang mg̃a piguíng doon sa Perla ng̃ Casilang̃anan. Cung sa aking caibigán lamang at sa aking sariling caguinhawahan, hindî catá pápagalin sa pagsasaysay ng̃ calagayan ng̃ bahay; ng̃uni’t lubháng mahalagá ito, palibhasa’y ang caraniwan sa mg̃a may camatayang gaya natin ay tulad sa pawican: hinahalagahan at hinihirang tayo alinsunod sa ating talucab ó tinatahanang bahay; dahil dito’t sa iba pang mg̃a anyô ng̃ asal, cawang̃is ng̃a ng̃ mg̃a pawican ang mg̃a may camatayan sa Filipinas.—Cung pumanhic tayo’y agad nating marárating ang isáng malowang na tahanang cung tawaguin doo’y “caida”9, ayawán cung bakit, na ng̃ gabing ito’y guinagamit na “comedor”10 at tuloy salón ng̃ orquesta. Sa guitna’y may isáng mahabang mesa, na nahihiyasan ng̃ marami at mahahalagang pamuti, na tila mandin cumikindat sa “colado,” taglay ang catamistamisang mg̃a pang̃acò, at nagbabalà sa matatacuting binibini, sa walang malay na dalaga, ng̃ dalawang nacaiinip na oras sa casamahán ng̃ mg̃a hindî cakilala, na ang pananalita’t mg̃a pakikikiusap ay ang caraniwa’y totoong cacaiba. Namúmucod ng̃ di ano lamang sa mg̃a ganitong handang sa mundo’y nauucol, ang sumasapader na mg̃a cuadrong tungcol sa religión, gaya bagá ng̃ “Ang Purgatorio,” “Ang Infierno,” “Ang hulíng Paghuhucom,” “Ang pagcamatáy ng̃ banal,” “Ang pagcamatáy ng̃ macasalanan,” at sa duyo’y naliliguid nang isáng maring̃al at magandañg “marco” na anyong “Renacimiento”11 na gawâ ni Arévalo, ang isáng mabuting ayos at malapad na “lienzo” na doo’y napapanood ang dalawang matandang babae. Ganitó ang saysay ng̃ doo’y titic: “Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje, na sinasamba sa Antipolo, sa ilalim ng̃ anyong babaeng magpapalimos, dinadalaw sa canyang pagcacasakít ang banal at bantog na si Capitana Inés”12. Tunay mang ang pagcacapinta’y hindî nagpapakilala ng̃ “arte” at cabutihang lumikhâ, datapowa’t nagsasaysay naman ng̃ caraniwang mamalas: ang babaeng may sakít ay tila na bangcay na nabûbuloc, dahil sa culay dilaw at azul ng̃ canyang mukhâ; ang mg̃a vaso’t iba pang mg̃a casangcapan, iyang maraming mg̃a natitipong bagay bagay sa mahabang pagcacasakít ay doo’y lubhang mabuti ang pagcacasipì, na ano pa’t napapanood patí ng̃ linálaman. Sa panonood ng̃ mg̃a calagayang iyong umaakit sa pagcacagana sa pagcain at nagúudyoc ng̃ ucol sa paglasáp ng̃ masasaráp na bagay bagay, marahil acalain ng̃ iláng may masamáng isipan ang may-arì ng̃ bahay, na napagkikilalang magalíng ang calooban ng̃ halos lahát ng̃ mg̃a magsisiupô sa mesa, at ng̃ huwag namáng máhalatang totoo ang canyang panucalà, nagsabit sa quízame ng̃ maririkít na lámparang gawâ sa China, mg̃a jaulang waláng ibon, mg̃a bolang cristal na may azogueng may culay pulá, verde at azul, mg̃a halamang pangbíting lantá na, mg̃a tuyóng isdáng botete na hinipa’t ng̃ bumintóg, at iba pa, at ang lahát ng̃ ito’y nacúculong sa may dacong ílog ng̃ maiinam na mg̃a arcong cahoy, na ang anyo’y alang̃ang huguis europeo’t alang̃ang huguis insíc, at may nátatanaw namáng isáng “azoteang”13 may mg̃a balag at mg̃a “glorietang”14 bahagyâ na naliliwanagan ng̃ mg̃a maliliit na farol na papel na may sarisaring culay.

Nasasalas ang mang̃agsisicain, sa guitnâ ng̃ lubháng malalakíng mg̃a salamín at na ng̃agníningning na mg̃a araña15: at doon sa ibabaw ng̃ isáng tarimang16 pino17 ay may isáng mainam na “piano de cola”18, na ang halaga’y camalácmalác, at lalò ng̃ mahalagá ng̃ gabíng itó, sa pagca’t sino ma’y walang tumútugtog. Doo’y may isáng larawang “al óleo”19 ng̃ isáng lalaking makisig, nacafrac, unát, matuwíd, timbáng na tulad sa bastóng may borlas na tagláy sa mg̃a matitigás na daliring puspós ng̃ mg̃a sinsíng: wari’y sinasabi ng̃ larawan:

—¡Ehem! ¡masdán ninyó cung gaano carami ang suot co at aco’y hindî tumatawa!

Magagandá ang mg̃a casangcapan, baga man marahil ay hindî maguinhawahang gamitin at nacasasamâ pa sa catawan: hindî ng̃â ang icaiilag sa sakít ng̃ canyáng mg̃a inaanyayahan ang naiisip ng̃ may-arì, cung dî ang sariling pagmamarikít.—¡Tunay at cakilakilabot na bagay ang pag-iilaguín, datapowa’t cayó namá’y umuúpô sa mg̃a sillóng gawáng Europa, at hindî palaguing macacátagpò cayó ng̃ ganyán!—itó marahil ang sinasabi niya sa canilá.

Halos punô ng̃ tao ang salas: hiwaláy ang mg̃a lalaki sa mg̃a babae, tulad sa mg̃a sambahang católico at sa mg̃a sinagoga20. Ang mg̃a babae ay iláng mg̃a dalagang ang iba’y filipina at ang iba’y española: binúbucsan nila ang bibíg upang piguilin ang isáng hicáb; ng̃uni’t pagdaca’y tinátacpan nilá ng̃ caniláng mg̃a abanico; bahagyâ na nang̃agbubulung̃an ng̃ iláng mg̃a pananalitâ; anó mang pag-uusap na ipinagsúsumalang pasimulán, pagdaca’y naluluoy sa iláng putól-putól na sábi; catulad niyáng mg̃a ing̃ay na náriring̃ig cung gabí sa isáng bahay, mg̃a ing̃ay na gawâ ng̃ mg̃a dagâ at ng̃ mg̃a butikî. ¿Bacâ cayâ naman ang mg̃a larawan ng̃ mg̃a iba’t ibang mg̃a “Nuestra Señora”21 na nagsabit sa mg̃a pader ang siyang ninilit sa mg̃a dalagang iyong huwag umimíc at magpacahinhíng lubós, ó dito’y talagang natatang̃ì ang mg̃a babae?

Ang tang̃ing sumasalubong sa pagdatíng ng̃ mg̃a guinoong babae ay isáng babaeng matandang pinsan ni capitán Tiago, mukhang mabait at hindî magaling magwicang castilà. Ang pinacaubod ng̃ canyáng pagpapakitang loob at pakikipagcapuwa tao’y walâ cung ang dî mag-alay sa mg̃a española ng̃ tabaco at hitsô, at magpahalíc ng̃ canyang camáy sa mg̃a filipina, na ano pa’t walang pinag-ibhán sa mg̃a fraile. Sa cawacasa’y nayamot ang abáng matandang babae, caya’t sinamantala niya ang paglagapác ng̃ isang pinggang nabasag upang lumabás na dalidalì at nagbububulong:

—¡Jesus! ¡Hintay cayó, mg̃a indigno22!

At hindî na mulíng sumipót.

Tungcol sa mg̃a lalaki’y nang̃agcacaing̃a’y ng̃ cauntî. Umaaticabong nang̃agsasalitaan ang iláng mg̃a cadete23; ng̃uni’t mahihinà ang voces, sa isa sa mg̃a súloc at manacanacang tinitingnan nila at itinuturo ng̃ dalirî ang iláng mg̃a taong na sa salas, at silasila’y nang̃agtatawanang ga inililihim ng̃ hindi naman; ang bilang capalit nama’y ang dalawang extrangero24 na capowâ nacaputî ng̃ pananamit, nang̃acatalicod camáy at dî umíimic ay nang̃agpaparoo’t paritong malalakí ang hacbang sa magcabicabilang dulo ng̃ salas, tulad sa guinágawâ ng̃ mg̃a naglalacbay-dagat sa “cubierta”25 ng̃ isáng sasacyán. Ang masaya’t mahalagáng salitàa’y na sa isang pulutóng na ang bumubuo’y dalawang fraile, dalawang paisano26 at isáng militar na canilang naliliguid ang isáng maliit na mesang kinalalagyan ng̃ mg̃a botella ng̃ alac at mg̃a biscocho inglés27.

Ang militar ay isang matandang teniente, matangcád, mabalasic ang pagmumukhâ, na ano pa’t anaki’y isang Duque de Alba28 na napag-iwan sa escalafón29 ng̃ Guardia Civil30. Bahagyâ na siya nagsásalita, datapuwa’t matigás at maiclî ang pananalitâ.—Ang isá sa mg̃a fraile’y isang dominicong bata pa, magandá, malinis at maningning, na tulad sa canyang salamín sa matang nacacabit sa tangcáy na guintô, maaga ang pagca ugaling matandâ: siya ang cura sa Binundóc at ng̃ mg̃a nacaraang tao’y naguing catedrático31 sa San Juan de Letran32. Siya’y balitang “dialéctico”33, caya ng̃a’t ng̃ mg̃a panahong iyóng nang̃ang̃ahas pa ang mg̃a anac ni Guzmang34 makipagsumag sa paligsahan ng̃ catalasan ng̃ ísip sa mg̃a “seglar”35, hindî macuhang malitó siya ó mahuli cailan man ng̃ magalíng na “argumentador”36 na si B. de Luna37; itinutulad siya ng̃ mg̃a “distingo”38 ni Fr. Sibyla sa máng̃ing̃isdang ibig humuli ng̃ igat sa pamamag-itan ng̃ sílò. Hindî nagsasálitâ ang dominico at tila mandin pinacatitimbang ang canyang mg̃a pananalità.

Baligtád ang isá namáng fraile, na franciscano, totoong masalitâ at lalò ng̃ maínam magcucumpás. Bagá man sumusung̃aw na ang mg̃a uban sa canyang balbás, wari’y nananatili ang lácas ng̃ canyang malusóg na pang̃ang̃atawán. Ang mukhâ niyang magandá ang tabas, ang canyang mg̃a pagting̃ing nacalálaguim, ang canyáng malalapad na mg̃a pang̃á at batìbot na pang̃ang̃atawan ay nagbibigay anyô sa canyáng isáng patricio romanong39 nagbalát cayô, at cahi’t hindî sinasadya’y inyóng mágugunitâ yaong tatlong monjeng40 sinasabi ni Heine41 sa canyáng “Dioses en el destierro”42, na nagdaraang namamangcâ pagcahating gabi sa isang dagatan doon sa Tyrol,43 cung “equinoccio”44 ng̃ Septiembre, at sa tuwing dumaraa’y inilálagay ng̃ abang mámamangca ang isáng salapíng pílac, malamíg na cawang̃is ng̃ “hielo,” na siyang sa canya’y pumupuspos ng̃ panglulumó. Datapuwa’t si Fray Dámaso’y hindî mahiwagang gaya nilá; siya’y masayá, at cung pabug-al bug-al ang canyáng voces sa pananalità, tulad sa isang taong cailan ma’y hindi naaalang-alang, palibhasa’y ipinalálagay na banal at walâ ng̃ gágaling pa sa canyáng sinasabi, kinacatcat ang sacláp ng̃ gayóng ugalî ng̃ canyáng táwang masayá at bucás, at hangang sa napipilitan cang sa canya’y ipatawad ang pagpapakita ng̃ mg̃a paang waláng calcetín at mg̃a bintíng mabalahíbo, na icakikita ng̃ maraming pagcabuhay ng̃ isáng Mendicta sa mg̃a feria sa Kiapò.

Ang isa sa mg̃a paisano’y isang taong malingguit, maitím ang balbás at waláng íkinatatáng̃ì cung dî ang ilóng, na sa calakhá’y masasabing hindî canyá; ang isá, nama’y isang binatang culay guintô ang buhóc, na tila bagong datíng dito sa Filipinas: itó ang masilacbóng pinakikipagmatuwiranan ng̃ franciscano.

—Makikita rin ninyó—ang sabi ng̃ franciscano—pagca pô cayó’y nátirang iláng bowan dito, cayó’y maniniwálà sa aking sinasabi: ¡ibá ang mamahala ng̃ bayan ng̃ Madrid at ibá, ang mátira sa Filipinas!

—Ng̃uni’t….

—Acó, sa halimbáwà—ang patuloy na pananalitâ ni Fr. Dámaso, na lalong itinaas ang voces at ng̃ dî na macaimíc ang canyang causap—aco’y mayroon na ritong dalawampo at tatlong taóng saguing at “morisqueta”45, macapagsasabi aco ng̃ mapapaniwalâan tungcól sa bagay na iyan. Howág cayóng tumutol sa akin ng̃ alinsunod sa mg̃a carunung̃an at sa mabubuting pananalitâ, nakikilala co ang “indio”46. Acalain ninyong mulá ng̃ aco’y dumatíng sa lupaíng ito’y aco’y iniucol na sa isang bayang maliit ng̃a, ng̃uni’t totoong dúmog sa pagsasaca. Hindî co pa nauunawang magalíng ang wicang tagalog, gayon ma’y kinúcumpisal co na ang mg̃a babae47 at nagcacawatasan camí, at lubháng pinacaíbig nila aco, na ano pa’t ng̃ macaraan ang tatlóng taón, ng̃ aco’y ilipat sa ibáng báyang lalong malakí, na waláng namamahálà dahil sa pagcamatáy ng̃ curang “indio” roon, nang̃agsipanang̃is ang lahat ng̃ babae, pinuspos acó ng̃ mg̃a handóg, inihatid nila acong may casamang música….

—Datapowa’t iya’y nagpapakilala lamang….

—¡Hintáy cayó! ¡hintay cayó! ¡howag naman sana cayóng napacaning̃as! Ang humalili sa akin ay hindí totoong nagtagal na gaya co, at ng̃ siya’y umalís ay lalò ng̃ marami ang naghatíd, lalo ng̃ marami ang umiyác at lalo ng̃ mainam ang música, gayóng siya’y lalò ng̃ mainam mamálò at pinataas pa ang mg̃a “derechos ng̃ parroquia”48, hangang sa halos nag-ibayo ang lakí.

—Ng̃uni’t itutulot ninyó sa aking….

—Hindî lamang iyan, nátira aco sa bayang San Diegong dalawampong taón, may iláng bowán lamang ng̃ayong aking…. iniwan (dito’y nagpakitang tila masamâ ang loob). Hindî maicacait sa akin nino mang dalawampong tao’y mahiguít cay sa catatagán upang makilala ang isang bayan. May anim na libo ang dami ng̃ taong namamayan sa San Diego, at bawa’t tagaroo’y nakikilala co, na parang siya’y aking ipinang̃anac at pinasuso: nalalaman co cung alín ang mg̃a lisyang caasalan nito, cung anó ang pinang̃ang̃ailang̃an niyon, cung sino ang nang̃ing̃ibig sa bawa’t dalaga, cung ano anong mg̃a pagcadupilas ang nangyari sa babaeng itó, cung sino ang tunay na amá ng̃ batang inianac, at iba pa; palibhasa’y kinucumpisal co ang calahatlahatang taong-bayan; nang̃ag-iing̃at ng̃ mainam sila sa canicaniláng catungculan. Magsabi cung nagsisinung̃aling aco si Santiagong siyang may arì nitong bahay; doo’y marami siyang mg̃a lupà at doon camí naguíng magcaibigan. Ng̃ayo’y makikita ninyó cung anó ang “indio”; ng̃ aco’y umalís, bahagya na acó inihatid ng̃ ilang mg̃a matatandáng babae at iláng “hermano” tercero49, ¡gayóng nátira aco roong dalawampong taón!

Ng̃uni’t hindî co mapagcúrò cung anó ang cabagayán ng̃ inyong mg̃a sinabi sa pagcacaális ng̃ “estanco ng̃ tabaco”50—ang sagot ng̃ may mapuláng buhóc na causap, na canyang sinamantala ang sandaling pagcatiguil dahil sa pag-inom ng̃ franciscano ng̃ isang copita ng̃ Jerez51.

Sa pangguiguilalas ng̃ dî anó lamang ni Fr. Dámaso ay cauntî nang mabitiwan nito ang copa. Sandalíng tinitigan ang binata at:

—¿Paano? ¿paano?—ang sinabi pagcatapos ng̃ boong pagtatacá.—Datapowa’t ¿mangyayari bagang hindî ninyo mapagwarì iyang casíng liwanag ng̃ ílaw? ¿Hindî ba ninyó nakikita, anác ng̃ Dios, na ang lahat ng̃ ito’y nagpapatibay na totoo, na pawang cahaling̃án ang mg̃a pagbabagong utos na guinágawà ng̃ mg̃a minìstro?

Ng̃ayo’y ang may puláng buhóc naman ang natigagal, lalong ikinunot ng̃ teniente ang canyang mg̃a kilay, iguinagalaw ang ulo ng̃ taong bulilit na parang ipinahahalatâ niyang biníbigyan niyang catuwiran ó hindi si Fray Dámaso. Nagcasiya na lamang ang dominico sa pagtalicód sa canilang lahat halos.

—¿Inaacalà bagá ninyó …?—ang sa cawacasa’y nagawang tanóng ng̃ boong catimpian ng̃ binátà, na tinítitigan ng̃ boong pagtatacá ang fraile.

—¿Na cung inaacalà co? ¡Sinasampalatayanan cong gaya ng̃ pagsampalataya sa Evangelio52! ¡Napaca “indolente”53 ang “indio”!

—¡Ah! ipatawad po ninyong salabatin co ang inyong pananalitâ—anang binatà, na idinahan ang voces at inilapít ng̃ cauntî ang canyang upuan; sinabi po ninyo ang isang salitâ na totoong nacaakit sa aking magdilidili. ¡Tunay ng̃a cayang catutubò ng̃ mg̃a dalisay na tagarito ang pagca “indolente,” ó nangyayari ang sinasabi ng̃ isang maglalacbáy na taga ibang lupain, na tinátacpan natin ng̃ pagca indolenteng ito ang ating sariling pagca indolente, ang pagcáhuli natin sa pagsulong sa mg̃a carunung̃an at ang ating paraan ng̃ pamamahala sa lupaíng nasasacupan? Ang sinabi niya’y ucol sa mg̃a ibang lupaíng sacóp, na ang mg̃a nananahan doo’y pawang sa lahì ring iyan!…

—¡Ohó! ¡Mg̃a cainguitan! ¡Itanong pô ninyo cay guinoong Laruja na nacakikílala rin sa lupaíng itó; itanong ninyo sa canya cung may mg̃a catulad ang camangmang̃an at ang pagca “indolente” ng̃ indio!

—Tunay ng̃a—ang sagót namán ng̃ bulilít na lalaking siyang binangguit—¡hindî po cayó macacakita sa alin mang panig ng̃ daigdíg ng̃ híhiguit pa sa pagca indolente ng̃ indio, sa alin mang panig ng̃ daigdíg!

—¡Ni iba pang lalong napacasama ng̃ asal na pinagcaratihan, ni iba pang lalong hindî marunong cumilala ng̃ utang na loob!

—¡At ng̃ ibang lalong masamâ ang túrò!

Nagpasimulâ ang binatang mapulá ang buhóc ng̃ pagpapaling̃apling̃ap sa magcabicabilà ng̃ boong pag-aalap-ap.

—Mg̃a guinoo—ang sinabing marahan—tila mandin tayo’y na sa bahay ng̃ isang “indio”. Ang mg̃a guinoong dalagang iyan….

—¡Bah! huwag cayóng napaca magugunigunihin! Hindî ipinalalagay ni Santiagong siya’y “indio,” bucód sa roo’y hindî siya naháharap, at…. ¡cahi’t náhaharap man siya! Iya’y mg̃a cahaling̃án ng̃ mg̃a bágong dating. Hayaan ninyong macaraan ang ilang bowan; magbabago cayóng isipán pagca cayo’y nacapagmalimít sa maraming mg̃a fiesta at “bailujan”54, nacatulog sa mg̃a catre at nacacain ng̃ maraming “tinola”.

—Tinatawag po ba ninyong tinola ang bung̃ang cahoy na cahawig ng̃ “loto”55 na … ganyan … nacapagmamalimutin sa mg̃a tao?

—¡Ano bang loto ni loteria!—ang sagot ni párì Dámasong nagtátawa;—nagsasalitâ cayó ng̃ mg̃a cahaling̃án. Ang tinola ay ang pinaghalong inahíng manoc at sacá úpo. ¿Buhat pa cailán dumating cayó?

—Apat na araw—ang sagot ng̃ binatang ga namumuhî na.

—¿Naparito ba cayong may catungculan?

—Hindi pô; naparito acó sa aking sariling gugol upang mapagkilala co ang lupaíng itó.

—¡Aba, napacatang̃ì namang ibon!—ang saysay ni Fr. Dámaso, na siya’y minamasdan ng̃ boong pagtatacá—¡Pumarito sa sariling gugol at sa mg̃a cahaling̃án lamang! ¡Cacaibá namáng totoo! ¡Ganyang caraming mg̃a libro … sucat na ang magcaroon ng̃ dalawang dáling noo56…. Sa ganya’y maraming sumulat ng̃ mg̃a dakílang libro! ¡Sucat na ang magcaroon ng̃ dalawang daling noo….

—Sinasabi ng̃ “cagalanggalang po ninyo”57 (“Vuestra reverencia”), párì Dámaso—ang biglang isinalabat ng̃ dominico na pinutol ang salitaan—na cayo’y nanaháng dalawampong taón sa bayang San Diego at cayo umalis doon…. ¿hindî pô ba kinalúlugdan ng̃ inyong cagalang̃an ang bayang iyon?

Biglang nawalâ ang catowaan ni Fr. Dámaso at tumiguil ng̃ pagtatawá sa tanóng na itong ang anyo’y totoong parang walang anó man at hindî sinásadyâ.

Nagpatuloy ng̃ pananalitâ ang dominico ng̃ anaki’y lalong nagwáwalang bahálà:

—Marahil ng̃a’y nacapagpipighati ang iwan ang isáng bayang kinátahanang dalawampong taón at napagkikilalang tulad sa hábitong suot. Sa ganáng akin lamang naman, dinaramdam cong iwan ang Camilíng, gayóng iilang buwan acóng nátira roon … ng̃uni’t yaó’y guinawâ ng̃ mg̃a púnò sa icagagaling ng̃ Capisanan … at sa icágagaling co namán.

Noon lamang ng̃ gabíng iyón, tila totoong natilihan si Fr. Dámaso. Di caguinsaguinsa’y pinacabigyanbigyan ng̃ suntóc ang palung̃án ng̃ camáy ng̃ canyáng sillón, huming̃a ng̃ malacás at nagsalitâ:

—¡O may Religión ó wala! sa macatuid baga’y ¡ó ang mg̃a cura’y may calayâan ó walâ! ¡Napapahamac ang lupang itó, na sa capahamacán!

At sácâ mulíng sumuntóc.

—¡Hindi!—ang sagót na paang̃il at galit, at saca biglang nagpatinghigâ ng̃ boong lacás sa hiligán ng̃ sillón.

Sa pagcámanghâ ng̃ nang̃asasalas ay nang̃agting̃inan sa pulutóng na iyón: itinungháy ng̃ dominico ang canyáng ulo upang tingnán niya si pári Dámaso sa ilalim ng̃ canyáng salamín sa mata. Tumiguil na sandali ang dalawáng extranjerong nang̃agpapasial, nang̃agting̃inan, ipinakitang saglít ang caniláng mg̃a pang̃il; at pagdaca’y ipinagpatuloy uli ang caniláng pagpaparoo’t parito.

—¡Masamâ ang loob dahiláng hindî ninyó binigyán ng̃ Reverencia (Cagalang-galang)!—ang ibinulóng sa taing̃a ng̃ binatang mapulá ang buhóc ni guinoong Laruja.

—¿Anó pô bâ, ang ibig sabihin ng̃ “cagalanggalang” ninyó (Vuestra Reverencia)? ¿anó ang sa inyo’y nangyayari?—ang mg̃a tanóng ng̃ dominico at ng̃ teniente, na iba’t ibá ang taas ng̃ voces.

—¡Cayâ dumaráting dito ang lubháng maraming mg̃a sacunâ! ¡Tinatangkílik ng̃ mg̃a pinúnò ang mg̃a “hereje”58 laban sa mg̃a “ministro” ng̃ Dios59! ang ipinagpatuloy ng̃ franciscano na ipinagtutumâas ang canyáng malulusog ó na mg̃a panuntóc.

—¿Anó pô ba ang ibig ninyóng sabihin?—ang mulíng itinanóng ng̃ abot ng̃ kilay na teniente na anyóng titindig.

—¿Na cung anó ang íbig cong sabíhin?—ang inulit ni Fr. Dámaso, na lalong inilacás ang voces at humaráp sa teniente.—¡Sinasabi co ang ibig cong sabihin! Acó, ang ibig cong sabihi’y pagca itinatapon ng̃ cura sa canyáng libing̃an ang bangcáy ng̃ isáng “hereje,” sino man, cahi ma’t ang hárì ay waláng catuwirang makialám, at lalò ng̃ waláng catuwirang macapagparusa. ¡At ng̃ayo’y ang isáng “generalito”60, ang isáng generalito Calamidad61 …!

—¡Párì, ang canyáng Carilagán62 (ang marilág bagáng Gobernador General) ay Vice-Real Patrono63,—ang sigaw ng̃ teniente na nagtindíg.

—¡Anó bang Carilagán ó Vice-Real Patrono64 man!—ang sagót ng̃ franciscanong nagtindíg din.—Cung nangyari itó sa ibáng panaho’y kinaladcád sana siyá ng̃ pababâ sa hagdanan, tulad ng̃ minsa’y guinawâ ng̃ mg̃a Capisanan ng̃ mg̃a fraile sa pusóng na Gobernador Bustamante65. ¡Ang mg̃a panahóng iyón ang tunay na panahón ng̃ pananampalataya!

—Ipinauunawà co sa inyó na di co maitutulot … Ang “Canyang Carilagán,” (ó ang marilág na Gobernador General) ang pinacacatawán ng̃ Canyáng Macapangyarihan, ang Hárì66.

—¡Anó bang hárì ó cung Roque67 man! Sa ganáng amin ay waláng ibáng hárì cung dî ang tunay68….

—¡Tiguil!—ang sigáw ng̃ tenienteng nagbabalà at wari’y mandin ay nag-uutos sa canyáng mg̃a sundalo;—¡ó inyóng pagsisisihan ang lahát ninyóng sinabi ó búcas din ay magbíbigay sabi acó sa Canyang Carilagán!…

—¡Lacad na cayó ng̃ayón din, lacad na cayó!—ang sagót ng̃ boong paglibác ni Fr. Dámaso, na lumapít sa tenienteng nacasuntóc ang camáy.—¿Acalà ba ninyo’t may suot acóng hábito’y walâ acóng …? ¡Lacad na cayo’t ipahihíram co pa sa inyó ang aking coche!

Naoowî ang salitaan sa catawatawang anyô. Ang cagaling̃ang palad ay nakialam ang dominico.—¡Mg̃a guinoo!—ang sabi niyáng taglay ang anyóng may capangyarihan at iyáng voces na nagdaraan sa ilóng na totoong nababagay sa mg̃a fraile;—huwag sana ninyóng papagligáwligawín ang mg̃a bagay, at howag namán cayóng humánap ng̃ mg̃a paglapastang̃an sa waláng makikita cayó. Dapat nating ibucód sa mg̃a pananalitâ ni Fr. Dámaso ang mg̃a pananalitâ ng̃ tao sa mg̃a pananalitâ ng̃ sacerdote. Ang mg̃a pananalitâ ng̃ sacerdote, sa canyáng pagcasacerdote, “per se”69, ay hindî macasasakít ng̃ loob canino man, sa pagca’t mulâ sa lubós ng̃ catotohanan. Sa mg̃a pananalitâ ng̃ tao, ay dapat gawín ang isá pa manding pagbabahagui: ang mg̃a sinasabing “ab irato”70, ang mg̃a sinabing “exore”71, datapuwa’t hindî “in corde”72, at ang sinasabing “in corde”. Ang mg̃a sinasabing “in corde” lamang ang macasasakít ng̃ loob: sacali’t dating tinatagláy ng̃ “in meate”73 sa isáng cadahilanan, ó cung nasabi lamang “per accidens”74, sa pagcacáinitan ng̃ salitàan, cung mayroong….

—¡Ng̃uni’t aco’y “por accidens” at “por mi”75 ay nalalaman co ang mg̃a cadahilanan, pári Sibyla!—ang isinalabat ng̃ militar, na nakikita niyáng siya’y nabibilot ng̃ gayóng caraming mg̃a pag tatang̃itang̃i, at nang̃ang̃anib siyáng cung mapapatuloy ay siyá pa ang lalábas na may casalanan.—Nalalaman co ang mg̃a cadahilanan at papagtatang̃iin ng̃ “cagalang̃an pô ninyo” (papagtatang̃itang̃iin pô ninyo). Sa panahóng wala si pári Dámaso sa San Diego ay inilibíng ng̃ coadjutor76 ang bangcáy ng̃ isáng táong totoong carapatdapat …; opò, totoong carapatdapat; siya’y macáilan cong nácapanayam, at tumúloy acó sa canyáng bahay. Na siya’y hindi nang̃umpisál cailan man, at iyán bagá’y ¿anó? Acó ma’y hindi rin nang̃ung̃umpisál, ng̃uni’t sabihing nagpacamatáy, iya’y isáng casinung̃aling̃an, isáng paratang. Isáng táong gaya niyáng may isáng anác na lalaking kinabubuhusan ng̃ boong pag-irog at mg̃a pag-asa, isáng táong may pananampalataya sa Dios, na nacacaalám ng̃ canyang mg̃a catungculang dapat ganapín sa pamamayan, isáng táong mapagmahál sa capurihán at hindi sumisinsay sa catuwiran, ang ganyáng tao’y hindî nagpápacamatay. Ito’y sinasabi co, at hindî co sinasabi ang mg̃a ibáng aking iniisip, at kilanlíng utang na loob sa akin ng̃ “cagalang̃an” pô ninyó.

At tinalicdán ang franciscano at nagpatuloy ng̃ pananalitâ:

—Ng̃ magcágayo’y ng̃ magbalic ang curang itó sa bayan, pagcatapos na maalipustá ang coadjutor, ang guinawa’y ipinahucay ang bangcáy na iyón, ipinadala sa labás ng̃ libing̃an, upang ibaón hindi co maalaman cung saan. Sa caruwagan nang bayang San Diego’y hindi tumutol; tunay ng̃a’t iilan lamang ang nacaalam, walang camag-anac ang nasirà, at na sa Europa ang canyang bugtóng na anác; ng̃uni’t nabalitaan ng̃ Gobernador General, at palibhasa’y táong may dalisay na púsò, ay hining̃i ang caparusahán … at inilipat si pári Dámaso sa lalong magaling na bayan. Itó ng̃â lamang ang nangyari. Ng̃ayo’y gawín ng̃ “inyó pong cagalang̃án” ang pagtatang̃itang̃i.

At pagca sabi nitó’y lumayò sa pulutóng na iyón.

—Dináramdam cong hindî co sinásadya’y nábanguit co ang isáng bagay na totoong mapang̃anib ani párì Sibylang may pighatî.—Datapuwa’t cung sa cawacasa’y nakinabang naman cayó sa pagpapalít-bayan….

—¡Anó bang pakikinabang̃in! ¿At ang nawáwalâ sa mg̃a paglipat … at ang mg̃a papel … at ang mg̃a … at ang lahát ng̃ mg̃a náliligwín?—ang isinalabat na halos nauutál ni Fr. Dámaso na hindi macapagpiguil ng̃ galit.

Untiunting nanag-úli ang capisanang iyón sa dating catahimican.

Nang̃agsidatíng ang ibá pang mg̃a tao, caacbáy ang isáng matandáng castilàng piláy, matamís at mabaít ang pagmumukhâ, nacaacay sa bísig ng̃ isáng matandáng babaeng filipinang punô ng̃ culót ang buhóc, may mg̃a pintá ang mukhâ at nacasuot europea.

Sila’y sinalubong ng̃ bating catoto ng̃ naroroong pulutóng, at nang̃agsiupô sa tabí ng̃ ating mg̃a cakilala ang Doctor De Espadaña at ang guinoong asawa niyang “doctora” na si Doña Victorina. Doo’y napapanood ang iláng mg̃a “periodista”77 at mg̃a “almacenero”78 na nang̃agpaparoo’t parito at waláng maalamang gawín.

—Ng̃uni’t ¿masasabi pô ba ninyo sa akin, guinoong Laruja, cung anóng tao cayâ ang may arì ng̃ bahay?—ang tanóng ng̃ binatang mapulá ang buhóc.—Aco’y hindî pa naipapakilala sa canyá79.

—Ang sabihana’y umalís daw, acó ma’y hindi co pa siyá nakikita.

—¡Dito’y hindî cailang̃anang mg̃a pagpapakilala!—ang isinabád ni Fr. Dámaso,—Si Santiago’y isáng táong mabaít.

—Isang táong hindi nacátuclas ng̃ pólvorâ—ang idinugtong ni Laruja.

—¡Cayó pô namán, guinoong Laruja!—ang sinabi sa malambing na pagsisi ni Doña Victorinang nag-aabanico.—¿Paano pô bang matutuclasan pa ng̃ abang iyón ang pólvora, ay alinsunod sa sabi’y natuclasan na ito ng̃ mg̃a insíc na malaong panahón na?

—¿Nang mg̃a insíc? ¿Nasisirà bâ ang isip ninyo?—ang sabi ni Fr. Dámaso,—¡Tumahán ng̃â cayó! ¡Ang nacátuclas ng̃ paggawâ ng̃ pólvora’y isang franciscano, isá sa aming samahan, Fr. Hindî co maalaman Savalls, ng̃ siglong … ¡icapitó!

—¡Isang franciscano! Marahil naguíng misionero sa China, ang párì Savalls na iyan—ang itinutol ng̃ guinoong babae na hindî ipinatatalo ng̃ gayongayon lamang ang canyang mg̃a isipan.

—Marahil Schwartz80 ang ibig pô ninyong sabihin, guinoong babae—ang itinugón namán ni Fr. Sibyla, na hindî man lamang siya tinítingnan.

—Hindî co maalaman; sinabi ni Fr. Dámasong Savalls: walâ acóng guinawâ cung dî inulit co lamang ang canyang sinalitâ.

—¡Magalíng! Savalls ó Chevás, ¿eh anó ng̃ayon? ¡Hindî dahil sa isáng letra ay siya’y maguiguing insíc!—ang mulíng sinaysay na nayáyamot ang franciscano.

—At ng̃ icalabing-apat na siglo at hindî ng̃ icapitó—ang idinugtóng ng̃ dominico, na ang anyo’y parang sinásala ang camalìan at ng̃ pasakitan ang capalaluan niyong isáng fraile.

—¡Mabuti, datapuwa’t hindî sa paglalabis cumulang ng̃ isáng siglo’y siya’y maguiguing dominico na!

—¡Abá, howag pô sanang magalit ang cagalang̃án pô ninyo!—ani párì Sibylang ng̃umíng̃itî.—Lalong magalíng cung siya ang nacátuclas ng̃ paggawâ ng̃ pólvora, sa pagca’t sa gayo’y naibsan na niya sa pagcacapagod sa gayóng bagay ang canyang mg̃a capatíd.

—¿At sinasabi pô ninyo, párì Sibyla, na nangyari ang bagay na iyón ng̃ icalabíng apat na siglo?—ang tanóng na malakí ang nais na macatalós ni Doña Victorina—¿ng̃ hindî pa ó ng̃ macapagcatawáng tao na si Cristo?

Pinalad ang tinátanong na pumasoc sa salas ang dalawang guinoo.

Humalili cay Cárlos Luis ang canyang capatíd na si Juan Borbón, ng̃uni’t walà itóng nagawáng may cahulugán.

Ang anác ni Juang nagng̃ang̃alang Cárlos at nagpamagát ng̃ haring Cárlos VII ang siyang nagpatuloy ng̃ pagbabaca, sa udyóc at tulong ng̃ mg̃a fraile at macafraile. Pinasimulán ang icatlong pagbabaca sa Españang mg̃a capowa castila rin ang nagpatayan, ng̃ 8 ng̃ Abril ng̃ 1872. Ng̃ panahong iyó’y maraming totoong salapi ang ipinadaláng galing sa Filipinas na handóg ng̃ mg̃a fraile cay Cárlos, datapuwa’t wala ring kinahinatnan ang pagpupumilit nitó, ng̃ mg̃a fraile at ng̃ mg̃a macafraile, cung dî magsabog ng̃ dugong calahi at papaghirapin ng̃ di ano lamang ang España. Natapos ang pagbabaca roon ng̃ 27 ng̃ Febrero ng̃ 1876, araw na ibinalic ni Cárlos sa Francia. Ang pinacamabuti sa mg̃a general nito’y si Zumalacárregui at si Cabrera. Cumilala at sumuco si Cabrera sa haring Alfonso XII ng̃ taóng 1895. Cung pamagatán si Don Cárlos ng̃ mg̃a castila’y “Cárlos Chapa.”

Marahil ibiguin ng̃ mg̃a bumabasang maalaman cung ano ang dahil ng̃ pagbabacang ito, na nagpasimula ng̃ 2 ng̃ Octubre ng̃ 1833 at nagtapós ng̃ 27 ng̃ Febrero 1876, at aking sasabihin sa maicling salitâ:

Bago pa lamang nacacawalâ ang España sa capangyarihan ng̃ mg̃a francés, ay nagpasimulâ na ang panúcalà ng̃ mg̃a fraile at ng̃ mg̃a macafraileng papanumbalikin doon ang pagtatatag ulî ng̃ “absolutismo”; sa macatuwid baga’y ang capangyarihan ng̃ haring magawâ ang bawa’t maibigan, at manumbalic ang “tribunal ng̃ Inquisición.” Hindi pumayag si Fernando VII sa gayóng balac, at sa gayó’y kinagalitan siya at minagaling ng̃ mg̃a fraileng sa canyá’y mahalili ang canyáng capatid na si Cárlos María Isidro de Borbón, na nang̃acong cung siya ang maguiguing harì ay gagawin niya bawa’t ibiguin ng̃ Papa at ng̃ mg̃a fraile. Bago namatáy si Fernando ay gumawa itó ng̃ testamentong isinasalin niya ang canyáng corona sa canyáng anác na babaeng si Isabel. Ng̃ mamatay si Fernando VII ng̃ 29 Septiembre ng̃ 1833 ay nahahanda na upang bacahin ang hahaliling reinang si Isabel II, na sa pagca’t musmós pa noon, ang namamahalà ng̃ caharia’y si reina Cristinang nabao cay Fernando VII, at ng̃ icatlóng araw ng̃ pagcamatay nitó’y pinasimulaan na ng̃â ang pangguguló sa España ni Cárlos, na tinutulung̃an ng̃ papa, ng̃ mg̃a fraile, ng̃ lahat ng̃ mg̃a párì at ng̃ canilang mg̃a cacampi.

Ng̃ayóng mg̃a panahóng itó’y mahinang mahinà na ang carlismo sa España, at sila sila’y nagsisirâan. May nang̃agpapang̃alang “integrista” na siyang nang̃ag-iibig ng̃ “absolutismo” at ng̃ “inquisición,” at “mestizo” ang itinatawag nila sa sumasang ayon sa calagayang dalá ng̃ panahón at ayaw sa “inquisición” at sa “absolutismo.” Ng̃ayo’y macucurò na cung bakit aayaw kilalanin ng̃ mg̃a fraileng hárì nila si Alfonso XII at si Alfonso XIII man; ng̃uni’t ang sawicain ng̃a ng̃ mg̃a castilà’y “á la fuerza ahorcan” (sapilitan ang pagbitay). Aayaw man sila’y sapilitang nilálagoc ang apdóng handóg ng̃ catuwiran at ng̃ catotohanan.—P.H.P.


  1. Colado, ang taong hindi inaanyayaha’y cusang dumádalo sa isang piguíng. Maraming di ano lamang sa mañg̃a bayanbayan, at lalonglalo na dito sa Maynilà, ang mañg̃a taong di nating calahì, na hindî man inaanyayahan ay nagdudumalíng dumaló sa mang̃a piguíng nang mang̃a filipino, na canilang tinatawag na indio, at ang mang̃a taong yaong di natin calahì ang siyang tinatawag ni Rizal na mang̃a colado sa piguíng.—P.H.P. ↩︎

  2. Ang catutubong mahusay at dî nagbabagong calacarán ng̃ mg̃a linikhâ ng̃ Dios—P.H.P. ↩︎

  3. Nang panahóng sulatin ni Rizal ang Noli me tangere ay hindi pa umaagos dito sa Maynila ang tubig na inumíng nanggagaling sa ilog San Mateo at Marikina. Talastas nang madla, na ang guinugol sa pagpapaagos na ito ay ang ipinamanang salapi, upang iucol sa ganitong bagay, ni D. Francisco Carriedo, castilang naguíng magistrado sa Real Audiencia nang una. ¡Salamat sa isáng castílà, sa isáng hindî nating caláhì ay nagcaroon ang Maynílà ng̃ tubig na totoong kinacailang̃an sa pamumuhay! Maraming mayayamang filipinong bago mamatay ay nagpapamana ng̃ maraming salapî at mahahalagáng cayamanan sa mg̃a fraile ó sa mg̃a monja, datapowa’t hindî nang̃ababalinong magpamana ng̃ anó mang iguiguinhawa ó magagamit sa pamumuhay ng̃ caniláng mg̃a cababayan. Walâ rin acóng nalalamang nagawáng handóg sa mg̃a filipino ang mg̃a fraile na macacatulad ng̃ pamana ng̃ dakilang si Carriedo; gayóng dahil sa mg̃a filipino cayâ yumaman at naguíng macapangyarihan ang mg̃a fraileng iyan.—¡Culang palad na Filipinas!—Nang di pa umaagos ang tubig na inumíng sinabi na ay sa ilog Pasig ó sa mang̃a ibáng nacaliliguid sa Maynilà umiiguib nang inumín at ibá pang cagamitan sa bahay, sacali’t ang bahay walang algibe ó tipunán ng̃ tubig sa ulán.—P.H.P. ↩︎

  4. Ang namamatnugot sa paggawâ ng̃ anó man edificio. Tinatawag na edificio ang bahay, palacio, simbahan, camalig at iba pa.—P.H.P. ↩︎

  5. Ang ladrillong parang pinggan ang pagcacayarì.—P.H.P. ↩︎

  6. Ang “maceta” ay wicang castilà na ang cahuluga’y ang lalagyán ng̃ lupà na pinagtatamnan ng̃ mg̃a halamang guinágawang pangpamuti, sa macatuwid ay malî ang tawag na “macetas” sa halaman.—P.H.P. ↩︎

  7. Patung̃án ng̃ mg̃a “maceta” ó pátirican ng̃ haligue ó ano mang bagay.—P.H.P. ↩︎

  8. Ang capisanan ng̃ guinagamit sa pagcaing cuchara, cuchillo, tenedor at iba pa.—P.H.P. ↩︎

  9. Ang sabing “caida” ay wìcang castilà, na ang cahuluga’y ang pagcahulog, pagcálagpac, pagcárapâ pagcatimbuang, ó ang kinahuhulugan ó ang laláy ng̃ ano mang bagay; datapuwa’t dito sa Filipinas, ayawan cung anong dahil, tinatawag na “caida” ng̃ mg̃a castilà at ng̃ mg̃a lahing castila ang macapanhíc ng̃ báhay.—P.H.P. ↩︎

  10. Ang panig ng̃ bahay na pinaglálagyán ng̃ mesang cacanán.—P.H.P. ↩︎

  11. Mulíng pang̃ang̃anac. Ang panahong nagpasimulâ nang calaghatian nang Siglo XV, na napucaw sa mang̃a taong tubò sa dacong calunuran ng̃ Sandaigdigan ang masilacbong pagsisiyasat nang mg̃a maririkit na guinagáwâ sa una nang mg̃a griego at nang mg̃a latino—P.H.P. ↩︎

  12. Bataláng bató, na ang caraniwa’y baldosa ang tungtung̃an.—P.H.P. ↩︎

  13. Sa convento ng̃ Antipolo ay may isang cuadrong catulad nitó.—J.R. ↩︎

  14. Isáng pabilóg na parang culuong na ang caraniwa’y pinagagapang̃an ng̃ mg̃a halaman.—P.H.P. ↩︎

  15. Ang ilawang sang̃asang̃a na ibinibiting may mg̃a pamuting mg̃a cristal na nagkikislapan.—P.H.P. ↩︎

  16. Isáng papatung̃ang cahoy, na catulad ng̃ papag na mababà ang anyô.—P.H.P. ↩︎

  17. Cahoy na caraniwang tawaguin ng̃ tagalog na “Palo-China.” Ang cahoy na ito’y caraniwan sa Europa at América. Sumisibol din sa Benguet, dito sa Filipinas, dahil sa malamíg ang sing̃aw roon.—P.H.P. ↩︎

  18. Natuclasán ang paggawâ ng̃ “piano” ng̃ siglo XIII at siyang naguing cahalili ng̃ “clavicordio” at ng̃ “espineta.” Alinsunod sa anyô at lakí ay tinatawag na piano de mesa, piano de cola, piano de media cola, piano vertical, piano diagonal at iba pa. Ang piano de cola’y nacahigang parang mesa, na sa isáng dulo’y malapad at sa cabiláng dulo’y makitid at isá sa mg̃a lalong mahál ang halagá.—P.H.P. ↩︎

  19. Tinatawag na larawang “al óleo,” (retrato al óleo) ang larawang ipinípinta sa pamamag-itan ng̃ mg̃a culay ó pinturang tinunaw sa lang̃is.—P.H.P. ↩︎

  20. Sambahan ng̃ mg̃a judío.—P.H.P. ↩︎

  21. Caraniwang tinatawag na Nuestra Señora ang anó mang larawan ni Guinoong Santa María, na halos may dî mabilang na pamagát: Nuestra Señora del Carmen, cung may mg̃a escapulario sa camay; Nuestra Señora del Rosario, cung may tang̃ang cuintás; Nuestra Señora de la Correa, cung nacabigkís ng̃ balát, Nuestra Señora de Turumba, Nuestra Señora de Salambaw at iba pang lubháng napacarami.—P.H.P. ↩︎

  22. “Hindî carapatdapat” ang cahulugán ng̃ sabing “indigno,” salitang caraniwang sabihin ng̃ mg̃a nacacastiláan.—P.H.P. ↩︎

  23. Tinatawag na cadete ang nag-aaral sa isáng colegiong doo’y itinutúrò ang mg̃a bagaybagay na nauucol maalaman ng̃ isáng militar. ↩︎

  24. Taga ibáng lúpà, sa macatuwid ay hindî taga Filipinas ang cahulugán ng̃ sabing “extranjero.” Gayon ma’y dî caraniwang tawaguing “extranjero” ang insíc, ang castílà, ang turco, ang japonés, ang bombay, ang colombo at ibá pa; sila’y tinatawag ditong insíc, castílá, “turkiano,” japón, bombay, colombo. Tinatawag lamang “extranjero” ang inglés, alemán, francés, suizo at ibá pa, sa pagca’t iniuucol lamang ang sabing “extranjero” sa mg̃a mang̃ang̃alacal na may malalaking puhunan.—P.H.P. ↩︎

  25. Ang bubóng na tablá ng̃ mg̃a sasacyán. ↩︎

  26. Tinatawag na “paisano” ng̃ mg̃a sundalo ang hindî militar.—P.H.P. ↩︎

  27. Caraniwang tinatawag na “biscuit” ang biscochong na sa mg̃a maliliit na latang nanggagaling sa Inglaterra. Tinatawag dito sa ating “biscocho” ang mg̃a malulutóng na tinapay, gaya ng̃ tinatawag na “biscocho y caña” at “biscocho y dulce,” at ang tunay na biscocho’y tinatawag na “sopas” ng̃ mg̃a dî nacaaalám ng̃ wicang castílà. Ng̃ayo’y gumágawâ na rito sa atin ng̃ masasaráp na biscochong hindî saból sa mg̃a nanggagaling sa Inglaterra, ang La Perla ni G.J.E. Monroy, ang La Fortuna ni G. Claro Ong at ibá pa. Carapatdapat papurihan ang mg̃a cababayang itóng naglíligtas sa Filipinas na bomobowís sa mg̃a taga ibáng lupaín sa pagbilí ng̃ mg̃a bagay na dito’y nagágawâ.—P.H.P. ↩︎

  28. Marang̃al na general ni Cárlos V at ni Felipe II. Siya ang nagtagumpáy sa panghihimagsic ng̃ Paises Bajos at nacalupig sa Fort.—P.H.P. ↩︎

  29. Ang talaán ng̃ mg̃a oficial at mg̃a púnò sa mg̃a hucbó. ↩︎

  30. Ang may catungculang umusig sa masasamang tao at mang̃asiwà sa capanatagán ng̃ mg̃a bayanbayan. Ng̃ panahón ng̃ Gobierno ng̃ España’y may dalawang bagay na Guardia Civil dito sa Filipinas: “Guardia Civil” ang pang̃alan ng̃ mg̃a na sa bayanbayan ng̃ mg̃a lalawigan, at “Guardia Civil Veterana” ang na sa ciudad ng̃ Maynílà.—Pawang mg̃a filipino ang mg̃a sundalo ng̃ Guardia Civil at ng̃ Guardia Civil Veterana, at mg̃a castílà ang mg̃a oficial at ang mg̃a púnò. Manacánacáng nagcacaroon ng̃ alferez at tenienteng mg̃a filipino. Ang nahalili ng̃ayon sa Guardia Civil ay ang Policía Insular, na tinatawag ding Policía Constabularia, at sa Guardia Civil Veterana ay ang Policía Metropolitana na pawang americano at ang Policía Municipal na pawang filipino. Bucod sa Guardia Civil at Veterana’y may mg̃a Cuadrillero pa na pawang filipino ang mg̃a sundalo at pinunò, na ang caraniwa’y fusil na walang cabuluhán at talibóng ang mg̃a sandata. Ng̃ mg̃a hulíng taón ng̃ Gobierno ng̃ castila’y nagcaroon sa Maynílà ng̃ mg̃a tinatawag na “Guardia Municipal,” na ang dalang sandata’y revolver at sable. Sa macatuwíd ang mg̃a namamahalà ng̃ catahimican ng̃ mg̃a namamayan, ng̃ mg̃a hulíng panahón ng̃ mg̃a castilà, dito sa Maynílà’y ang Guardia Civil Veterana, ang Guardia Municipal at ang Cuadrillero, at sa mg̃a lalawiga’y ang Guardia Civil at ang Cuadrillero, bucód sa Policía Secreta na itinatag dito sa Maynílà, hindî co matandaan cung ng̃ taóng 1894 ó 1895.—P.H.P. ↩︎

  31. Ang nagtuturò sa paaralan.—P.H.P. ↩︎

  32. Colegio ó paaralang mg̃a fraileng dominico ang may-arì at silá rin ang nang̃agtuturò. ↩︎

  33. Tinatawag na “dialéctico” ang gumagamit ng̃ dialéctica. Ang “dialéctica’y” ang carunung̃ang ucol sa pag iisip-ísip at ang mg̃a pinanununtunang landás sa bagay na itó.—P.H.P. ↩︎

  34. Si Santo Domingo de Guzman ang nagtatag ng̃ capisanan ng̃ mg̃a fraileng dominico cayá sila’y tinatawag na mg̃a anác ni Guzman.—P.H.P. ↩︎

  35. Ang nananatili sa pakikipanayam sa sangcataohan; ang hindî sacerdote. ↩︎

  36. Ang nagpápalagay ng̃ mg̃a paláisipang dapat sagutin at tutulan sa pang̃ang̃atowiran ng̃ catalo. ↩︎

  37. Ito’y ang balitang si G. Benedicto de Luna, marunong na abogadong filipino. ↩︎

  38. Ang pagtatang̃î at pagbubucod ng̃ pinagmamatuwirang anó man. ↩︎

  39. Ang mg̃a inanác ó iniapó ng̃ mg̃a unang senador sa Roma. ↩︎

  40. Mg̃a fraile. ↩︎

  41. Si Enrique Heine ay bantóg na poeta at crítico alemán. Sumulat sa wicang alemán. Ipinang̃anác ng̃ 1796 at namatáy ng̃ 1856. ↩︎

  42. Ang mg̃a dios sa pinagtapunan. ↩︎

  43. Ang Tyrol ay isáng magandáng panig ng̃ Suiza at Baviera at isá sa mg̃a lalawigan ng̃ Austria-Hungría. May siyam na raang libong tao ang namamayan doon. ↩︎

  44. Tinatawag na equinoccio ang pagcacaisá ng̃ hábà ng̃ araw at ng̃ gabí. Nagcacaequinoccio pagpapasimulâ ng̃ signo Aries at pagpapasimulâ namán ng̃ signo Libra. May equinoccio ng̃ tag-araw, mulâ sa 20 hanggang 21 ng̃ Marzo, at may equinoccio ng̃ tag-ulan, mulâ sa 22 hanggang 23 ng̃ Septiembre. ↩︎

  45. Halos talós ng̃ lahát ng̃ fipinong ang cahulugán ng̃ “morisqueta” ay canin; ng̃uni’t ang walâ marahil nacacaalám niyan ay cung saang wicà nanggaling; sa pagca’t ang sabing morisqueta’y hindî wicang castilà, hindî tagalog, hindî latín, hindî insíc at iba pa. ¿Ang mg̃a fraile cayâ ang nagtatag ng̃ salitang iyan? ↩︎

  46. Sinabi co na sa sa isá sa mg̃a paunawà sa Buhay ni Rizal na sa pasimulâ ng̃ librong itó na ang sabing “indio” ay wicang castilà na ang cahuluga’y túbò ó inianác sa India. Ang Filipinas ay mg̃a pulóng na sa panig ng̃ libutáng tinatawag na “Oceanía,” at ang India ay na sa panig ng̃ libutáng tinatawag na Asia. Ang tawag na indio ng̃ mg̃a fraile, ng̃ mg̃a castilà at ng̃ mg̃a lahing putî sa mg̃a túbò sa Filipinas ay isáng pag-alimura at pagcutyâ sa mg̃a lahing caymanggui. Caacbáy ng̃ sabing indio ang cahulugang tamád, waláng damdamin, hang̃al, dugong mabábà, cutad na ísip, ugaling pang̃it, waláng cahihiyan at iba pang lalong mg̃a casamasamâan. Sacsí nitóng mg̃a sabi co ang mg̃a sinulat ng̃ mg̃a fraile’t castilà tungcol sa Filipinas. Ng̃uni’t ang lalong nacatátawa’y ang mg̃a táong túbò rin dito sa Filipinas, na dahil sa maputî ang caniláng balát ay tumatawag sa capowâ tagritong caymangui ng̃ indio … ¡Mg̃a dukhang damdamin!—P.H.P. ↩︎

  47. Ito’y lubós na catotohanan. Ang sumusulat nito’y nacapang̃umpisal ng̃ panahóng cabataan pa sa isáng fraileng palibhasa’y bahagyâ ng̃ macawatas ng̃ wicang tagalog, ipinipilit na ang casalanang ikinucumpisal ay sabihin ng̃ nang̃ung̃umpisal sa mg̃a salitáng cahalayhalay at magagaang na sa Diccionariong wicang castilà at wicang tagalog na sinulat ng̃ caniláng capowà fraile.—P.H.P. ↩︎

  48. Ang mg̃a sinising̃íl sa binyag, casal, tawag, libíng, campana, ciriales at iba pa. ↩︎

  49. Ang caraniwang tinatawag na “manong” ó “manang”, galing sa salitang “hermano” “hermana”. May dalawang bagay na manong, ang manong na franciscano ó franciscana at manong na dominico ó dominicana. ↩︎

  50. Dating estancado ang tabaco dito sa Filipinas. Ang Gobierno ng̃ España ay siyang namímilì ng̃ tabacong dahon sa mg̃a magsasacá sa mg̃a bayang may pahintulot na magtaním ng̃ tabaco, ang Gobierno ang nagpapadalá dito sa Maynílà siya ang nagpapagawa ng̃ tabaco at cigarrillo at siya rin ang nagbibilí. Sino ma’y walang nacabibilí ng̃ tabacong dahon cung dî ang Gobierno at sino ma’y walang nacapagbibilí ng̃ tabacong dahon, ng̃ tabacong yarì at ng̃ cigarrillo cung dî ang Gobierno. Sa mg̃a bayang may pahintulot na magtaním ng̃ tabaco’y may mg̃a cagawad ang Gobierno, na siyang nang̃ang̃atawa’t ng̃ gumalíng ang taním na tabaco at mag-ani ng̃ marami. Ang Gobiernong mamimili ay siya ring nagháhalaga ng̃ tabacong dahong canyang biníbili. Ng̃ taóng 1883 ay inalís dito sa Filipinas ng̃ Gobierno ng̃ España ang estanco ng̃ tabaco at binigyang calayaan ang lahat na macapagtaním at macapagbilí ng̃ tabacong dahon, tabacong yarì ó cigarrillo, at ang inihalili sa estanco ay iba’t ibang bagay na pagpapabowis sa mg̃a tagarito.—P.H.P. ↩︎

  51. Alac na Jerez, na nanggagaling sa uvas na inaani sa bayang Jerez de la Frontera, na sacop ng̃ lalawigang Cadiz, caharian ng̃ España. Ang bayang iyo’y mayaman, nasa tabí ng̃ ilog Guadalete at may 62,009 ang nananahang tao.—P.H.P. ↩︎

  52. Tinatawag na Evangelio ang mg̃a sinulat ni San Mateo, San Lucas, San Marcos at San Juan. Ang mg̃a sinulat ng̃ apat na Santong itó, na dî iba cung dî ang casaysayan ng̃ mg̃a ipinang̃aral at buhay ni Jesucristo, ang siyang pinagpapatuunan ng̃ mg̃a utos at palatuntunan ng̃ Iglesia Católica Apostólica Romana, ng̃ Iglesia Cismática sa Rusia at sa Grecia, ng̃ Iglesia Protestante at ng̃ Iglesia Filipina Independiente.—P.H.P. ↩︎

  53. Ang cahulugan ng̃ sabing indolente ay ang táong hindî napupucaw ang loob sa mg̃a bagay na sa iba’y nacasakit. Ang walang malasakit sa ano man, ang mabagal, ang tamád. ↩︎

  54. “Bailujan,” galing sa sabing “baile,” sayáw. Ang baile ay wicang castilà. Ang “bailuhan” ay hindî guinagamit ng̃ mg̃a fraile at ng̃ mg̃a castilà dito sa Filipinas cung dî ang sabing “baile” pagca ang sayawan ay sa bahay ng̃ capowà castílà, at “bailujan” pagca ang sayawan ay sa bahay ng̃ mg̃a filipino. Sa maiclíng sabi, ang cahulugan ng̃ “bailujan” ay sayáw na carapatdapat cutyaín, catawátawá, waláng cahusayan. ↩︎

  55. Ang “loto” ay isáng cahoy sa Africa. Anang mg̃a poeta, ang taga ibang lupaíng macacain daw ng̃ bung̃a ng̃ “loto” ay nacalilimot sa canyang kinamulatang bayan. ↩︎

  56. Sa macatuwid baga’y sucat na ang magcaroon ng̃ caunting pag-iisip. ↩︎

  57. Caugalian sa mg̃a castilang hindî “usted” (cayó pô) na guinagamit sa caraniwan, cung dî “Vuestra Reverencia” ó “Vuesarevencia” (sa cagalanggalang pô ninyo) ang siyang ibinibigay na galang sa mg̃a fraile sa pakikipag-usap sa canila. ↩︎

  58. Ipinang̃ung̃usap ng̃ “ereje,” sa pagca’t sa wicang castila’y hindi isinasama ang h sa pagbasa. Tinatawag na “hereje” ang cristianong sumásalansang ó hindi sumasampalataya sa mg̃a pinasasampalatayanan ng̃ Iglesia Católica Apostólica Romana.—P.H.P. ↩︎

  59. Ang kinácatawan ng̃ Dios. ↩︎

  60. Maliit na general; sa macatuwíd baga’y waláng halagang general. ↩︎

  61. Maliit na general Capansanan. ↩︎

  62. “Su excelencia” sa wicang castila, paunlác na tawag sa Capitan General at sa iba pa ng̃ mg̃a castila.—P.H.P. ↩︎

  63. Pang̃alawa ng̃ Real Patrono. Tinatawag na Real Patrono ng̃ Iglesia Católica Romana ang Harî sa España. Haring tagatangkilic ang cahulugan sa wicang tagalog—P.H.P. ↩︎

  64. Hindî acó nasísilong cahi’t siya’y pang̃alawá man ng̃ harì—ang ibig sabihin ni Pári Dámaso.—P.H.P. ↩︎

  65. Mulà sa taóng 1717 hangang 1719 ay naguíng Gobernador General sa Filipinas si Don Fernando Bustamante. Sa pagca’t canyáng napagunáwà ang malaking mg̃a pagnanacaw sa pamamanihalà ng̃ salapî ng̃ Harì, minagálíng niya ang magtatag ng̃ mg̃a bágong utos sa pamamahalâ ng̃ salapî ng̃ calahatán. Pinasimulán niyáng kinulóng sa bilangguan ang mg̃a taong pinaghihinalàan; sila’y canyáng pinag-usig sa haráp ng̃ mg̃a tribunal. Galít na galít cay Bustamante ang mg̃a may matataas na catungculang sa ganito’y nang̃agsipang̃anib na mapahamac, at sa gayóng cahigpita’y hindî nang̃abihasa cailán man. Sa pagcá’t nabalitàan ni Bustamante ang panucalang manghimagsic laban sa canyáng capangyariha’t pamamahálà, at tinatangkílic ng̃ mg̃a fraile sa caniláng mg̃a simbahan ang lalong mg̃a kilaláng mahihigpít niyáng mg̃a caaway, naglathalà siyá ng̃ pagtawag sa lahát ng̃ mg̃a lalaking may mahiguít na labíng apat na taón upang mang̃agsipanig sa hucbòng magsasanggaláng sa capangyarihan ng̃ Harì. Dining̃íg ng̃ bayan ang pag tawag na iyón, at nátatag ang isang hucbó ng̃ mg̃a cusang pumasoc sa pagsusundalo. Nang̃agsifirma ang Arzobispo at iláng mg̃a abogado sa isáng casulatang doo’y itinututol na waláng capangyarihan at waláng catowiran daw si Bustamante na ipag-utos ang pagpapabilangô sa notariong si Osejo, na tumacbò at nagtagò sa simbahang Catedral: dahil dito’y ipinag-utos ng̃ Gobernador General na dacpín at ibilanggô ang arzobispo at gayon din ang mg̃a abogadong cainalám sa gayong panucalang catacsilan.—Pinanggaling̃an ang mg̃a pagpapabilanggong itó ng̃ iba’t ibang mg̃a caguluhan, at sa tacot ng̃ mg̃a fraileng bacâ síla namán ang pag-usiguin, minagalíng nilá ang silá ang mamatnugot sa mg̃a lumálabag sa capangyarihan ng̃ Gobernador.—Lumabás sa mg̃a simbahan ang mg̃a nagtatagò roon, nagdalá ng̃ mg̃a sandata, at ng̃ macasanib na sa canilá ang iláng mg̃a tagarito, lumacad silá’t ang tinung̃o’y ang palacio ng̃ Gobernador, na ng̃ panahóng iyó’y na sa taguilirang ilaya ng̃ tinatawag ng̃ayóng Plaza ni William McKinley. Nang̃ung̃una sa paglacad ang mg̃a fraile na may mg̃a hawac na Santo Cristo sa caniláng mg̃a camáy. Nang maalaman ni Bustamante ang gayóng panghihimagsic, ipinag-utos sa canyáng mg̃a guardiang barilín ang mg̃a nanghihimagsic na iyón; datapuwa’t hindî sumunód sa canyáng utos ang mg̃a sundalo, at ng̃ dumating ang mg̃a nanghihimagsic sa tapát ng̃ palacio, isinucô nilá ang caniláng mg̃a sandata sa haráp ng̃ pagca damít sacerdote ng̃ mg̃a fraileng náng̃agtaás ang mg̃a camay na may hawac na mg̃a Santo Cristo at mg̃a larawan ng̃ Santo. Pinabayaan din ng̃ mg̃a sundalong alabardero na silá’y macapasoc. Lumabás ang cahabaghabag na si Bustamanteng may sandatang hawac, at sinalubong sa hagdanan ang mg̃a nanghihimagsic. Hinandulong siyá ng̃ mg̃a nanghihimagsic at sa sandali lamang ay may sugat na siyáng malubha. Dumaló sa canyá ang canyang anác na lalaki, at itó nama’y agád binaril at nasugatan ng̃ bála. Kinaladcad ng̃ mg̃a nanghihimagsic ang canilang Gobernador na naghihing̃aló hanggang sa isáng bilangguang na sa silong ng̃ Audiencia, at doon siya namatáy ng̃ magtatakip silim ng̃ hapon ng̃ araw ring iyong ica 11 ng̃ Octubre ng̃ 1719; ipinagcaít sa canyá ang lahát ng̃ saclolo at hindi siyá binigyán ng̃ isá mang lamang vasong tubig. Kinaladcád namán ang anác ng̃ Gobernador General sa talian ng̃ mg̃a cabayo sa palacio, at doon siya namatáy ng̃ hapon ding iyón, at ipinagcáit sa canyáng macaguibíc ang sino man manggagamot at itinangguí sa canyá ang lahat ng̃ bagay na saclolo. Ang mg̃a nanghimagsic na pinamunuan ng̃ mg̃a fraileng pumupuri at nagpapaunlac sa mg̃a pumatáy sa Gobernador at sa canyáng anác ay nang̃agsitung̃o sa cúta ng̃ Santiago at doo’y kinuha at pinawalán ang arzobispo, na pagdaca’y siyá, ang nagatang sa sarili ng̃ catungculang pagca Gobernador General sa Sangcapuluang itó. Hindi nagcamít parusa cailan man ang mg̃a cakilakilabot na katampalasanang ito.—Sinipi sa “Censo de las Islas Filipinas” ng̃ 1903, tomo I, página 342—P.H.P. ↩︎

  66. “Su Majestad el Rey” sa wicang castilà. Masasabing: “ang Macapangyarihan Harì.” ↩︎

  67. Sa matuwid bagá’y hindi niya pinahahalagahan ang taong sinasabi ng̃ Teniente. ↩︎

  68. Aayaw kilalanin ng̃ mg̃a fraile si Alfonso XII, na ng̃ panahong sinasabi sa “Noli me tangere” ay síyang hari sa España, cung di si Cárlos de Borbón na naghahang̃ad na siyáng maghari sa mg̃a castilà. Dahil sa paghahang̃ád na ito’y silasila ring mg̃a castilà ang nang̃agsipagbaca, at maraming dugò ang nabuhos. Ang unang nacabaca ng̃ reina Cristina at ng̃ reina Isabel II ay si Cárlos de Borbón, capatid ni Fernando VII; isinalin niyá pagcatapos ang tinatawag niyang catuwiran sa Corona ng̃ España sa canyáng anác na si Cárlos Luis, na nagpamagat ng̃ Conde de Montemolin at haring Cárlos VI, na siyang muling nagsabog ng̃ caligaligan, dugô at mg̃a capahamacan sa España, sa isang maning̃as na pagbabaca at ng̃ siyá’y matalo’y omowi sa Trieste at doon namatáy ng̃ 1861. ↩︎

  69. Sa canyáng calagayan ó sa canyáng sarili. ↩︎

  70. Sa galit ay nabiglaanan. ↩︎

  71. Sa bibíg lamang. ↩︎

  72. Mulâ sa púsò, taimtim sa púsò. ↩︎

  73. Na sa pag-iisip. ↩︎

  74. Sa isáng pagcacataón, hindi sinasadya. ↩︎

  75. Sa pagcacataon at sa ganáng akin. ↩︎

  76. Ang páring catulong ng̃ cura. Ng̃ panahón ng̃ Gobierno ng̃ España, halos ang lahat ng̃ paring filipino ay pawang coadjutor lamang ang naaabot na catungculan; bihirang bihirà ang naguiguing cura, at ang caraniwa’y mg̃a fraile ang naguiguiug cura; caya’t ang lahát ng̃ mg̃a cura halos sa sangcapuluang ito’y pawang mg̃a fraile. Aliping mistulà ang pagpapalagay ng̃ mg̃a curang fraile sa mg̃a coadjutor na filipino. Salamat sa revolucióng guinawa ng̃ Katipunang tatag ni Gat Andrés Bonifacio’y nahang̃ò ang mg̃a paring filipino sa gayóng caalipinan; datapuwa’t hanggá ng̃ayò’y walá isá man lamang sa mg̃a paring filipinong nacacagunitang magpaunlác cay Gat Andrés Bonifacio. Cahimanawarì sila’y mang̃águising sa panahóng hináharap. ¡Wala ng̃ carimarimarim na púsong gaya ng̃ di marunong tumumbás sa utang na loob!!! ↩︎

  77. Ang sumusulat ng̃ mg̃a inilalathala sa mg̃a periódico ó pámahayagan. ↩︎

  78. Ang may almacen ó tindahan. Tinatawag ding almacenero ang catìwala sa pag-iing̃at ng̃ mg̃a camalig na ligpitan ng̃ anó man, ó ang isáng catungculan sa Gobiernong ganito ang pang̃alan.—P.H.P. ↩︎

  79. Caugalìan ng̃ mg̃a taong may pinag-aralang cung pumapanhic silá sa bahay ng̃ isang hindî cakilala, ang siya’y iharap sa maybahay ng̃ isáng cakilala nitó at sabihing:—“May capurihan po acóng ipakikilala sa inyó si guinoong Fulano."—P.H.P. ↩︎

  80. Ang monje Bernardo Schwart, alemân, na siyáng nacátuclas ng̃ pag-gawâ ng̃ pólvora ng̃ siglo XIV.—P.H.P. ↩︎

Susunod