Jele jele bago quiere,1
Tila mandîn totoong lumiligaya si Fr. Sibyla: tahimic na lumalacad at hindî na námamasid sa canyáng nang̃ing̃ilis at manipís na mg̃a labì ang pagpapawaláng halagá; hanggáng sa marapating makipagusap sa pilay na si doctor De Espadaña, na sumásagot ng̃ putól-putól na pananalitâ, sa pagcát siya’y may pagcá utál. Cagulatgulat ang samâ ng̃ loob ng̃ franciscano, sinisicaran ang mg̃a sillang nacahahadláng sa canyáng nilalacaran, at hanggáng sa sinicó ang isáng cadete. Hindî nagkikikibô ang teniente; nagsasalitaán ng̃ masayá ang ibá at caniláng pinupuri ang cabutiha’t casaganàan ng̃ haying pagcain. Pinacunot ni Doña Victorina, gayón man, ang canyáng ilóng; ng̃uni’t caracaraca’y luming̃óng malakí ang gálit, cawang̃is ng̃ natapacang ahas: mangyari’y natuntung̃an ng̃ teniente ang “cola” ng̃ canyáng pananamít.
—Datapuwa’t ¿walâ pô bâ, cayóng mg̃a matá?—anyá.
—Mayroon pô, guinoong babae, at dalawáng lalóng magalíng cay sa mg̃a matá ninyó; datapowa’t pinagmámasdan co pô iyang inyóng mg̃a culót ng̃ buhóc—ang itinugón ng̃ militar na iyong hindî totoong mápagparayâ sa babae, at sacâ lumayô.
Bagá man hindî sinasadya’y capuwâ tumung̃o ang dalawáng fraile sa dúyo ó ulunán ng̃ mesa, marahil sa pagca’t siyáng pinagcaratihan nilá at nangyari ng̃â ang mahíhintay, na tulad sa nang̃agpapang̃agaw sa isáng cátedra2: pinupuri sa mg̃a pananalitâ ang mg̃a carapatán at cataásan ng̃ ísip ng̃ mg̃a capang̃agáw; datapua’t pagdaca’y ipinakikilala ang pabaligtad, at nang̃ag-úung̃ol at nang̃ag-uupasalà cung hindî silá ang macapagtamó ng̃ caniláng hang̃ád.
—¡Ucol pô sa inyó, Fr. Dámaso!
—¡Ucol pô sa inyó, Fr. Sibyla!
—Cayo ang lalong unang cakilala sa bahay na itó … confesor ng̃ nasirang may bahay na babae, ang lalong may gulang, may carapatán at may capangyarihan….
—¡Matandáng matanda’y hindî pa naman!—ng̃uni’t cayo pô naman ang cura nitong bayan!—ang sagót na matabang ni Fr. Dámasong gayón ma’y hindî binibitiwan ang silla.
—¡Sa pagca’t ipinag-uutos pô ninyó’y acó’y sumusunod!—ang iniwacás ni Fr. Sibyla.
—¡Aco’y hindî nag-uutos!—ang itinutol ng̃ franciscano—¡aco’y hindî nag-uutos!
Umuupô na sana si Fr. Sibylang hindî pinápansin ang mg̃a pagtutol na iyón, ng̃ macasalubong ng̃ canyang mg̃a matá ang mg̃a matá ng̃ teniente. Ang lalong mataas na oficial sa Filipinas, ayon sa caisipán ng̃ mg̃a fraile, ay totoong malakí ang cababaan sa isáng uldog na tagapaglútò ng̃ pagcain. “Cedant arma togæ”3, ani Cicerón sa Senado; “cedant arma cotae”4 anang mg̃a fraile sa Filipinas. Datapuwa’t mapitagan si Fr. Sibyla, caya’t nagsalitâ:
—Guinoong teniente, dito’y na sa mundo5 po tayo at walâ sa sambahan; nararapat po sa inyo ang umupô rito.
Datapuwa’t ayon sa anyô ng̃ canyang pananalita’y sa canya rin nauucol ang upuang iyón, cahi’t na sa mundo. Ang teniente, dahil yatà ng̃ siya’y howag magpacagambalà, ó ng̃ huwag siyang umupô sa guitnâ ng̃ dalawáng fraile, sa maiclíng pananalita’y sinabing áyaw siyang umupô roon.
Alín man sa tatlóng iyo’y hindî nacaalaala sa may bahay. Nakita ni Ibarrang nanonood ng̃ boong galác at nacang̃itî sa mg̃a pagpapalamang̃ang iyón sa upuan ang may bahay.
—¡Bakit pô, Don Santiago! ¿hindi pô bâ cayó makikisalo sa amin?—ani Ibarra.
Ng̃uni’t sa lahat ng̃ mg̃a upuan ay may mg̃a tao na. Hindî cumacain si Lúculo6 sa bahay ni Lúculo.
—¡Tumahimic pô cayó! howag cayóng tumindîg!—ani Capitang Tiago, casabay ng̃ pagdidíin sa balicat ni Ibarra. Cayâ pa namán gumágawâ ang pagdiriwáng na ito’y sa pagpapasalamat sa mahál na Vírgen sa inyóng pagdatíng. Nagpagawâ acó ng̃ “tinola” dahil sa inyó’t marahil malaon ng̃ hindî ninyó nátiticiman.
Dinalá sa mesa ang isáng umáasong malaking “fuente”7. Pagcatapos maibulóng ng̃ dominico ang “Benedícte”8 na halos walâ sino mang natutong sumagot, nagpasimulâ ng̃ pamamahagui ng̃ laman ng̃ fuenteng iyon. Ng̃uni’t ayawan cung sa isáng pagcalibáng ó iba cayáng bagay, tumamà cay párì Dámaso ang isáng pinggang sa guitnâ ng̃ maraming úpo at sabáw ay lumálang̃oy ang isáng hubád na líig at isáng matigás na pacpác ng̃ inahíng manóc, samantalang cumacain ang ibá ng̃ mg̃a hità at dibdíb, lalong lalò na si Ibarra, na nagcapalad mapatamà sa canyá ang mg̃a atáy, balonbalonan at ibá, pang masasaráp na lamáng loob ng̃ inahíng manóc. Nakita ng̃ franciscano ang lahát ng̃ itó, dinurog ang mg̃a úpo, humigop ng̃ cauntíng sabáw, pinatunóg ang cuchara sa paglalagáy at bigláng itinulac ang pingga’t inilayô sa canyáng harapán. Nalílibang namáng totoo ang dominico sa pakikipagsalitàan sa binatang mapulá ang buhóc.
—¿Gaano pong panahóng nápaalis cayó sa lupaíng ito?—ang tanóng ni Laruja cay Ibarra.
—Pitóng taón halos.
—!Aba! ¿cung gayó’y marahil, nalimutan na ninyó ang lupaíng ito?
—Baligtád pô; bagá man ang kinaguisnan cong lupa’y tila mandin linilimot na acó, siyá’y laguì cong inaalaala.
—¿Anó po ang íbig ninyóng sabihin?—ang tanóng ng̃ mapuláng buhóc.
—Ibig cong sabíhing may isang taón na ng̃ayóng hindî aco tumátangap ng̃ ano mang balità tungcol sa bayang itó, hanggang sa ang nacacatulad co’y ang isang dî tagaritong hindî man lamang nalalaman cung cailan at cung paano ang pagcamatay ng̃ canyang ama.
—¡Ah!—ang biglang sinabi, ng̃ teniente.
—At ¿saan naroon pô cayo at hindî cayo tumelegrama?—ang tanong ni Doña Victorina.—Tumelegrama cami sa “Peñinsula”9 ng̃ cami’y pacasal.
—Guinoong babae; nitong huling dalawang tao’y doroon aco sa dacong ibabâ ng̃ Europa, sa Alemania at sacâ sa Colonia rusa.
Minagaling ng̃ Doctor De Espadaña, na hanggá ng̃ayo’y hindî nang̃ang̃ahás magsalitâ, ang magsabi ng̃ cauntî:
—Na … na … nakilala co sa España ang isang polacong tagá, Va … Varsovia, na ang pang̃ala’y Stadtnitzki, cung hindî masamâ ang aking pagcatandâ; ¿hindî pô bâ ninyó siya nakikita?—ang tanong na totoong kimî at halos namumula sa cahihiyan.
—Marahil pô—ang matamís na sagót ni Ibarra—ng̃uni’t sa sandalîng itó’y hindî ko naaalaala siyá.
—¡Aba, hindî siyá maaring ma … mapagcamal-an sa iba!—ang idinugtóng ng̃ Doctor na lumacás ang loob.—Mapulá ang canyáng buhóc at totoong masamáng mang̃astílà.
—Mabubuting mg̃a pagcacakilalanan; ng̃uni’t doo’y sa casaliwàang palad ay hindî aco nagsasalitâ ng̃ isa man lamang wicang castílà, liban na lamang sa ilang mg̃a consulado.
—At ¿paano ang inyóng guinágawang pamumuhay?—ang tanong ni Doña Victorinang nagtátaca.
—Guinagamit co pô ang wícà ng̃ lupaíng aking pinaglálacbayán, guinoong babae.
—¿Marunong po bâ naman cayo ng̃ inglés?—ang tanong ng̃ dominicong natira sa Hongkong at totoong marunong ng̃ “Pidggin-English”10, iyang halo-halong masamáng pananalitâ ng̃ wicà ni Shakespeare11 ng̃ anác ng̃ Imperio Celeste12.
—Natira acóng isang taón sa Inglaterra, sa casamahán ng̃ mg̃a táong inglés lamang ang sinásalitâ.
—At ¿alín ang lupaíng lalong naibigan pô ninyó sa Europa?—ang tanóng ng̃ binatang mapulá ang buhóc.
—Pagcatapos ng̃ España, na siyang pang̃alawá cong Báyan, alín man sa mg̃a lupaín ng̃ may calayâang Europa.
—At cayó pong totoong maraming nalacbáy … sabihin ninyó, ¿anó pô bâ ang lalong mahalagáng bagay na inyong nakita?—ang tanóng ni Laruja.
Wari’y nag-isíp-ísíp si Ibarra.
—Mahalagáng bagay, ¿sa anóng cauculán?
—Sa halimbawà … tungcól sa pamumuhay ng̃ mg̃a báyan … sa búhay ng̃ pakikipanayám, ang lácad ng̃ pamamahalà ng̃ báyan, ang úcol sa religión, ang sa calahatán, ang catás, ang cabooan….
Malaong nagdidilidili si Ibarra.
—Ang catotohanan, bágay na ipangguilalás sa mg̃a báyang iyan, cung ibubucod ang sariling pagmamalakí ng̃ bawa’t isá sa canyáng nación…. Bago co paroonan ang isáng lupain, pinagsisicapan cong matalós ang canyáng historia, ang canyáng Exodo13 cung mangyayaring masabi co itó, at pagcatapos ang nasusunduan co’y ang dapat mangyari: nakikita cong ang iguiniguinhawa ó ipinaghihirap ng̃ isáng baya’y nagmúmulâ sa canyáng mg̃a calayâan ó mg̃a cadilimán ng̃ isip, at yamang gayó’y nanggagaling sa mg̃a pagpapacahirap ng̃ mg̃a namamayan sa icágagalíng ng̃ calahatán, ó ang sa canilang mg̃a magugulang na pagca walang ibáng iniibig at pinagsusumakitan cung dî ang sariling caguinhawahan.
—At ¿walâ ca na bagáng nakita cung dî iyán lámang?—ang itinanóng na nagtátawa ng̃ palibác ng̃ franciscano, na mulâ ng̃ pasimulàan ang paghapon ay hindî nagsásalita ng̃ anó man, marahil sa pagcá’t siya’y nalilibang sa pagcain; hindî carapatdapat na iwaldás mo ang iyong cayamanan upang walâ cang maalaman cung dî ang bábahagyang bagay na iyán! ¡Sino mang musmós sa escuelaha’y nalalaman iyán!
Nápating̃ín na lamang sa canyá si Ibarra’t hindî maalaman cung anô ang sasabihin; ang mg̃a iba’y nang̃agtiting̃inan sa pagkatacá at nang̃ang̃anib na magcaroon ng̃ caguluhan.—Nagtátapos na ang paghapon, ang “cagalang̃án pô ninyo’y busóg na”—ang isásagot sana ng̃ binatà; ng̃uni’t nagpiguil at ang sinabi na lamang ay ang sumúsunod:
—Mg̃a guinoo; huwág cayóng magtátaca ng̃ pagsasalitang casambaháy sa akin ng̃ aming dating cura; ganyán ang pagpapalagáy niyá sa akin ng̃ acó’y musmós pa, sa pagcá’t sa canyá’y para ring hindî nagdaraan ang mg̃a taón; datapowa’t kinikilala cong utang na loob, sa pagcá’t nagpapaalaala sa aking lubós niyóng mg̃a áraw na madalás pumaparoon sa aming báhay ang “canyáng cagalang̃án”, at canyáng pinaúunlacan ang pakikisalo sa pagcain sa mesa ng̃ aking amá.
Sinulyáp ng̃ dominico ang franciscano na nang̃ang̃atal. Nagpatuloy ng̃ pananalitâ si Ibarra at nagtindíg:
—Itulot ninyó sa aking acó’y umalís na, sa pagcá’t palibhasa’y bago acóng datíng at dahil sa búcas din ay aco’y áalis, marami pang totoong gágawín acóng mg̃a bágay-bágay. Natapos na ang pinacamahalagá ng̃ paghapon, cauntî lamang cung aco’y uminóm ng̃ alac at bahagyâ na tumítikim acó ng̃ mg̃a licor. ¡Mg̃a guinoo, mátungcol nawâ ang lahát sa España at Filipinas!
At ininóm ang isáng copitang alac na hanggáng sa sandalíng iyó’y hindî sinásalang. Tinularan siyá ng̃ Teniente, ng̃uni’t hindî nagsasabi ng̃ anó man.
—¡Howág pô cayóng umalís!—ang ibinulóng sa canyá, ni Capitang Tiago.—Dárating na si María Clara: sinundô siyá ni Isabel. Paririto ang sa báyang bágong cura, na santong tunay.
—¡Paririto acó búcas bago acó umalís. Ng̃ayo’y may gágawin acóng mahalagáng pagdalaw.
At yumao. Samantala’y nagluluwal ng̃ samâ ng̃ loob ang franciscano.
—¿Nakita na ninyó?—ang sinasabi niyá sa binatang mapulá ang buhóc na ipinagcucucumpas ang cuchillo ng̃ himagas. ¡Iyá’y sa pagmamataas! ¡Hindî nilá maipagpaumanhíng silá’y mapagwicaan ng̃ cura! ¡Ang acalà nilá’y mg̃a taong may cahulugán na! ¡Iyán ang masamáng nacucuha ng̃ pagpapadalá sa Europa ng̃ mg̃a bátà! Dapat ipagbawal iyán ng̃ gobierno.
—At ¿ang teniente?—ani Doña Victorinang nakikicampí sa franciscano—¡sa boong gabíng ito’y hindî inalís ang pagcucunót ng̃ pag-itan ng̃ canyáng mg̃a kilay; magalíng at tayo’y iniwan! ¡Matandâ na’y teniente pa hanggá ng̃ayón!
Hindî malimutan ng̃ guinoong babae ang pagcacabangguít sa mg̃a culót ng̃ canyáng buhóc at ang pagcacayapac sa “encañonado” ng̃ canyáng mg̃a “enagua.”
Ng̃ gabíng yaó’y casama ng̃ mg̃a ibá’t ibáng bagay na isinusulat ng̃ binatang mapulá ang buhóc sa canyáng librong “Estudios Coloniales,” ang sumúsunod: “Cung anó’t macahihilahil sa casayahan ng̃ isáng piguíng ang isáng liig at isáng pacpác sa pinggán ng̃ tinola.” At casama ng̃ mg̃a iba’t ibáng paunáwà ang mg̃a ganitó:—“Ang taong lalong waláng cabuluhán sa Filipinas sa isáng hapunan ó casayahan ay ang nagpapahapon ó nagpapafiesta: macapagpapasimulâ sa pagpapalayas sa may bahay at mananatili ang lahát sa boong capanatagán."—“Sa mg̃a calagayan ng̃ayón ng̃ mg̃a bagay bagay, halos ay isáng cagaling̃ang sa canilá’y gágawin ang huwág paalisín sa caniláng lupaín ang mg̃a filipino, at huwág man lamang turúan siláng bumasa”….
Wicang haluang castilà’t tagalog, na cung tawagui’y “wicang tinulá”. Nagpapatumpictumpic bago’y ibig,—May mg̃a filipinong hindî nang̃ingiming magsalitang sila’y hindî nacacawatas ng̃ wicang tagalog, na hindî silá marunong ng̃ wicang tagalog; datapawa’t hindî rin naman marunong magsalitâ ng̃ tunay na wicang castilà; waláng nalalaman cung dî ang wicang tindá: ¡cahabaghabag na mg̃a tao! ↩︎
Ang pagtuturò ng̃ isáng carunung̃an; sa halimbawà: si Fulano’y nagtuturò ng̃ catedra ng̃ “Derecho” na gaya rin cung sabihing si Fulano’y nagtuturò ng̃ dunong ng̃ “Derecho.” ↩︎
Magbigay ang sandata sa haráp ng̃ carunung̃ang; sa macatuwid baga’y dapat gumalang ang mg̃a militar sa mg̃a táong pantás. ↩︎
Magbigáy ang sandata sa harap ng̃ mg̃a fraile; dapat gumalang ang mg̃a militar sa mg̃a fraile. ↩︎
Wicang castilà ang sabing “mundo” at maraming cahulugán: ang cabooan ng̃ lahat ng̃ mg̃a kinapal.—Ang lupà.—Ang cabooan ng̃ lahát ng̃ tao.—Baúl na malakí.—Tungcol sa pamumuhay. Isá sa mg̃a caaway ng̃ caluluwa. Dito’y ang cahulugan ay isáng tang̃ing bahágui ng̃ sangcataohan, sa macatuwid baga’y ang mg̃a tao sa piguíng na iyón.—P.H.P ↩︎
Si Lucio Licino Lúcalo, cónsul romano, na bantog dahil sa totoong magalíng na pagcain sa canyang mesa. ↩︎
Ang cahulugán dito’y isang malaking tasang malucóng na pinaglálagyan ng̃ pagcain—Cahulugan din ng̃ wicang “fuente”; Bucál ng̃ tubig na nanggagaling sa lúpà.—Isáng “aparato” upang doo’y lumabas ang tubig na nanggagaling sa mg̃a “tubo” at ng̃ magamit sa bahay, sa daan ó sa halamanan.—Mulâ ng̃ isang bagay.—Ang sugat na talagang guinágawâ sa brazo, sa bintî at iba pa.—Kinacailang̃ang sa pagsasalitâ ng̃ “fuente” ay magpalabas ng̃ hang̃in sa bibig, sa pagca’t cung hindi ay masasabing “puente” na ang cahuluga’y tuláy. Ito’y isá sa mg̃a cadahilanan cayâ ayaw acóng makisunod sa bagong palacad na isulat ng̃ P cahi’t ang pinanggaling̃a’y F, gaya sa halimbáwà ng̃ Filipinas, Fernando, Faustino na may mg̃a sumusulat ng̃ayon ng̃ Pilipnas, Pernando, Paustino. Gayon ma’y iguinagalang co at hindi co pinipintasan ang sa ibang caisipan at palacad na sinusunod.—Upang maipang̃usap ang “efe” ay idinadaiti ang labi sa mg̃a ng̃iping itaas sacâ magpalabás ng̃ hang̃in sa pagsasalitâ ng̃ letra.—P.H.P. ↩︎
Pinupuri cata. Pasimulâ ng̃ isáng dasál sa Dios na wicang latíng sinasabi ng̃ mg̃a pári at iba pang católico bago cumain. ↩︎
Tinatawag ng̃ mg̃a castilang “Península” ang España.—“Peñinsula” ang sabi ni Doña Victorina, sa pagca’t siya’y isá riyan si mg̃a babaeng tagálog na nagcacasticastilaan ay bago’y hindî man lamang marunong mang̃usap ng̃ wicang castilà. Ang tunay na cahulugan ng̃ Península ay ang lupang halos naliliguid ng̃ tubig magcabicabilà.—P.H.P. ↩︎
Tulad sa tinatawag nating wicang “castilàng tinda.” Halohalong salitang inglés, insic, portugués at malayo; gaya namán ng̃ nangyayari na rito sa Filipinas tungcol sa pananalitâ ng̃ inglés na halohalò ng̃ inglés, castila’t tagalog.—P.H.P. ↩︎
Guillermo Shakespeare, dakilang poetang inglés at isa sa mg̃a pang̃ulong dramático sa sangcataohan. Ipinang̃anac sa Strafford ng̃ 1564 at namatay ng̃ 1616. Ang mg̃a pang̃ulong sinulat niya’y ang “Macbet,” “Romeo at Julieta,” “Hamlet,” “Otelo,” “Ang Mercader sa Venecia,” “Ang panaguinip ng̃ isáng gabíng tag-araw” at iba pa.—P.H.P. ↩︎
Ang caharian ng̃ China. ↩︎
Pang̃alawáng libro ng̃ Pentatesco ni Moisés.—Ang paglalacbay sa ibang lupain ng̃ mg̃a túbò sa isáng nación ó báyan, na siyáng cahulugán dito. ↩︎